Wednesday, October 18, 2006
barkada
Matagal-tagal din kaming di nagkikita. Barkadang walang katumbas na halaga. Kaibigang kasama mo sa hirap at ginhawa. Mga taong handang lumaban para sayo. Mga taong kasabay kong tumawa, umiyak, mangarap, magalit at magmahal simula noong ako'y inosente pa lamang. Inosente sa mga bagay-bagay sa aking kapaligiran. Inosente sa mundong aking ginagalawan.
Haay... parang kailan lang. Lagi kaming magkakasama at sabay-sabay mangarap sa tabing-dagat. Natatandaan ko pa, sa kanila ako natuto ng bisyong aking kinagiliwan. Bisyong hanggang ngayon ay bumabalot sa aking katauhan. Bisyong pilit kong iniiwasan. Bisyong dulot ng pag-aaway. Hanggang ngayon sariwa pa rin sa aking alaala. Magdadala kami ng ilang piraso sa tabing-dagat kasama ang ilang lata ng alak na magdadala sa amin sa alapaap at tuluyang liliparin ang aming mga isipin ng aming mga pangarap. Aabutan ako ng isang piraso at sisindihan, sabay hitit, hanggang makarating sa aking baga. Nakakatuwa lang isipin ang mga kalokohan na aming sinubok.
Pagkatapos ng ilang sesyon, magtatayuan at maghahabulan sa lawak ng parke. Parang mga musmos na nagsisigawan, nagtatawanan at naghahabulan hanggang sa mapagod at maupo sa ilalim ng puno. Sabay tipa ng gitara at kantahan. Haay...ang sarap sariwain ng mga alaala. Alaalang gusto kong balikan. Alaalang aking muling pinananabikan.
Ngayon, abala ang bawat isa sa kanya-kanyang buhay. May mga trabahong pinagkakaabalahan. Karerang pinagyayaman. Pangalang iniingatan. Bihira magkita-kita at bihira magkausap. Suntok sa buwan kung magkasama-sama. Bagaman...sa puso ng bawat isa...nananatili ang mga alaala. Bagaman abala...nararamdaman ang pagka-ulila sa mga kaibigang minsang nakasama.
Ito ang aking iniingatan. Mga alaalang kahit lumipas ang ilang dekada ay di mababaon sa limot. Mga barkadang tunay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment